-- Advertisements --

Nag-report na sa PNP headquarters sa Camp Crame ang umano’y siyam sa 11 mga pulis na mga bashers ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa Facebook page na “Buhay Lespu.”

Kinumpirma ni Albayalde na kinausap niya ang mga ito at pinangaralan dahil ang kanilang ginawa ay hindi akma sa pagiging miyembro ng isang pulis.

Humarap kaninang umaga sa Directorate for Investigation and Detection Management, ang siyam na pulis subalit hindi nag-report ang dalawa kabilang ang isang police senior inspector.

Pinagsabihan daw sila ni Albayalde at iginiit na kailangan nilang sumunod sa mga patakarang ipinatutupad ng PNP.

Una nang iginiit ni Albayalde na kapag miyembro ka ng isang organisasyon lalo na kapag sa isang uniformed organization dapat sinusunod ang patakaran.

At kung paiiralin daw ang freedom of expression ay mas mainam na umalis ang mga ito sa serbisyo.

Posibleng maharap ang mga kritiko ni Albayalde ng kasong “insubordination” habang panibagong kaso na “disobedience” naman ang kakaharapin ng dalawa na hindi sumipot.

Kung maaalala minumura si PNP chief sa Buhay Lespu dahil sa ginagawa raw nitong surprise inspection sa mga police station noong sya pa ay NCRPO director.