-- Advertisements --

Isa umano sa mga iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang pagkakakilanlan ng umano’y heneral na nakaalitan ng napaslang na si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.

Tikom naman ang bibig ni PNP Chief Oscar Albayalde kung sino ang nasabing heneral.

Pero giit ni Albayalde, hindi niya raw kilala kung sino ito at wala na rin umano ito sa active service.

Nilinaw naman ni Albayalde na hindi ibig sabihin nito na pulis o militar ang bumaril sa mayor dahil ang isa sa mga iniimbestigahan ngayon ng special investigation task group ay isang heneral.

Aniya, maaring kahit na sinong may kasanayan sa paghawak ng armas ang gumawa ng krimen.

Bukod dito, tinitignan din daw ng PNP kung may kinalaman ang krimen sa away sa lupa, matapos na lumutang ang mga ulat na umano’y may mga haciendero na nagagalit sa alkalde sa kanya raw agresibong pag-accumulate ng mga lupain sa lalawigan.

Una nang inihayag ni Calabarzon Regional Director Csupt Eduard Carranza na may tatlong persons of interest nang tinitignan ang PNP sa kaso, kung saan dalawa sa mga ito ay May kinalaman naman sa anggulo ng iligal na droga.

Nitong Huwebes nang magsagawa ng reenactment sa nangyaring pagpatay sa opisyal.

Batay sa ulat ng Scene of the Crime Operatives, ang distansiya ng gunman kung saan nakapwesto si Mayor Halili ay nasa 76.8 meters, base sa aerial distance gamit ang isang range finder.

Nabatid rin na mas mataas ang puwesto ng gunman sa kinaroroonan ng mayor.

Nagsimula na rin ang National Bureau of Investigation sa kanilang independent at parallel investigation para tulungan at suportahan ang PNP para mabatid ang pagkakakilanlan ng mga suspek.