Pinapurihan ni PNP chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang PNP-Anti Kidnapping Group (AKG)Â sa pamumuno ni C/Supt. Glenn Dumlao sa kanilang matagumpay na operasyon na nagresulta sa patuloy na pagbaba ng insidente ng kidnapping sa bansa.
Kasabay nito, ipinaabot din ng PNP chief ang kanyang pagbati sa PNP-AKG sa okasyon ng kanilang ika-7 anibersaryo at pagkaka-rescue sa isang Australian national.
Una rito, nailigtas ng mga tauhan ng PNP-AKG ang naturang Australyano mula sa kanyang mga Chinese kidnappers.
Kinilala ni PNP spokesman S/Supt. Bernard Banac ang biktima na si Jianting Chen, isang Australian national, na na-rescue sa operasyon sa 9387A Calantas St., Brgy. San Antonio, Makati City bandang ala-1:30 kahapon ng hapon.
Naaresto rin sa naturang operasyon ang tatlong lalaking Chinese nationals na kasalukuyang bineberipika ang mga pangalan.
Ayon naman kay Dumlao unang humingi ng tulong sa kanila ang Australian police ang pagkawala ni Jianteng na isang Chinese-Australian.
Bago ito, February 17 nang dumating ito sa bansa at nawala kaagad noong February 18.
Sinasabing nasa P1 million ransom ang hinihingi ng mga kidnappers kapalit ng kalayaan ng Australyano.
Tinukoy naman ni Dumlao na ang tinaguriang casino loanshark syndicate ang nasa likod sa pagkawala ng banyaga.
Modus kasi ng grupo na imbitahin sa bansa ang kanilang target na biktima kung saan libre ang hotel accomodation at saka pauutangin ng pera.
Pero kapag hindi umano nakabayad ay dudukutin at ipatutubos sa mga kamag-anak.