BAGUIO CITY – Ngayon pa lang ay nag-iwan na ng mensahe si Philippine National Police (PNP) chief police Gen. Oscar Albayalde sa papalit sa kanyang pwesto kasabay ng papalapit na pag-retiro nito.
Nitong araw nang gawaran si Albayalde ng parangal at testimonial parade sa Philippine Military Academy (PMA) kung saan siya nag-aral noon.
Emosyonal ang PNP chief nang tanungin ng media sa kung ano ang kanyang iiwang legacy sa PNP.
Pero ayon kay Albayalde, taongbayan na raw ang huhusga kung ano ang mga nakamit ng pambansang pulisya sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Kung ang opisyal daw ang tatanungin, dapat ipagpatuloy ng mapipiling successor niya ang striktong pagpapatupad sa practical programs ng PNP.
Partikular na raw sa crime prevention oppression, intensified campaign against illegal drugs, at internal cleansing sa kanilang hanay.
Si Albayalde ay nakatakdang magretiro sa serbisyo sa darating na November 8,2019.