Lubos na ikinagalak ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde ang pagkakatalaga sa kanya bilang susunod na PNP chief.
Sa pakikipag–ugnayan ng Bombo Radyo kay Albayalde, kanyang sinabi na ikinagalak nito ang appointment at nagpapasalamat siya sa Diyos, kay Pangulong Rodrigo Duterte at kay PNP chief Ronald Dela Rosa sa kumpiyansa na ibinigay sa kanya.
Pangako ni Albayalde, kailanman hindi niya raw tatalikuran ang tiwalang na ibinigay sa kanya at pag-iigihan umano nito ang tungkuling iniatang sa kanya.
Todo pasalamat naman si Albayalde kay Dela Rosa na kanya ring “mistah” dahil kapwa sila miyembro ng PMA “Sinagtala” Class of 1986.
Samantala, welcome naman sa PNP ang appointment ni Albayalde bilang susunod na pinuno ng pambansang pulisya .
Ayon kay PNP Spokesperson C/Supt. John Bulalacao, suportado ng 190,000 strong PNP uniformed and non-uniformed personnel si Albayalde.
Para kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, magiging mabuting PNP chief si Albayalde.
Sa panig naman ni DILG Sec Eduardo Ano, si Albayalde ang “right man” sa pwesto dahil kaya nitong mamuno at magampanan ang multifarious missions ng PNP.