Pina-iimbestigahan ni PNP chief P/Gen. Oscar Albayalde sa PNP Civil Security Group (CSG) ang umano’y pag-take over ng ilang tauhan ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) sa Vallacar Transit Incorporated (VTI) terminal sa lungsod ng Bacolod kasunod ng nangyayaring girian at hidwaan sa loob ng kompaniya dahil sa away pamilya.
Nais kasing mabatid ni Albayalde ang katotohanan sa likod ng deployment ng mga tauhan ng PNP-SOSIA sa nasabing terminal kaya ipinag-utos niya itong imbestigahan.
Pero binigyang-diin ni Albayalde na kailanman ay hindi gagawin ng PNP na mag-take over ng pribadong terminal lalo na at kilala ang may-ari.
Ayon kay Albayalde, ang nasabing kaso ay away-pamilya na ibig sabihin civil case kaya hindi ito dapat panghimasukan ng PNP.
Tiniyak nito sasagutin ng PNP sa tamang forum at venue ang isinampang injunction case ng Yanson Group of Bus Companies laban sa kanila.
Nitong Miyerkules ay isinampa sa Quezon City Hall of Justice ang injunction case laban sa PNP.
Giit ni Albayalde, malabong mangyari na i-take over ng PNP ang lugar at saka mag-establish ng security guards.
Aminado ang hepe ng pulisya na away pamilya ang nasabing isyu kaya umaasa niya na magka-ayos ang pamilya Yanson na nag-o-operate ng pinakamalaking fleet ng passenger buses sa buong bansa.
Naniniwala si Albayalde, “amicable settlement” ang solusyon sa awayan sa pamilya.