-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagbigay ng pasasalamat ang bronze medalist sa ASIAN Para games na si Gary Bejino sa lalong lumalakas na suporta ng gobyerno sa mga sumasali sa international competitions.

Si Bejino ang pumangatlo sa finals ng men’s 100 meters free style sa ASIAN Para games na isinagawa sa Hangzhou, China.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa atleta, binigyan diin nito na mas napagtutuonan ng pansin ngayon ng gobyerno ang pagbibigay ng suporta sa mga atleta ng bansa kabilang na ang mga sumasali sa Para Games.

Isa umano ito sa mga dahilan kung bakit niya nagawang maibigay ang lahat ng makakaya sa kabila ng kapansanan upang makapag-uwi ng karangalan sa bansa.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Bejino na nasungkit ang bronze medal lalo pa at pawang matitibay umano ang kanyang nakatapat sa kompetisyon.

Payo naman nito sa mga kabataan na hindi dahilan ang kapansanan upang maabot ang mga pangarap at dapat na pagbutihan lang upang mahubog at magamit ng tama ang talento.