Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang basehan ang alegasyon ng mga kritiko na ang pagbibigay ng access sa mga sundalo sa mga school campuses ay indikasyon na ng militarisasyon na pinangangambahan mabalewala ang academic freedom.
Paglilinaw ni AFP Spokesperson BGen. Edgard Arevalo, ang mungkahing pagpapadala ng mga sundalo sa mga eskwelahan ay naka pokus sa gagawing communication engagements lamang.
Hinamon naman ni Arevalo ang mga kritiko na hindi pabor sa pagbibigay ng access sa mga sundalo sa mga school campuses na dapat i-define ng mga ito kung “what constitutes curtailment sa academic freedom.”
Giit ni Arevalo, hindi makikialam ang mga sundalo sa mga estudyante at faculty members kung ano ang kanilang nasa isip at pagpapahayag ng kanilang paniniwala.
Binigyang-diin ng heneral na ang presensiya ng mga sundalo sa mga campuses ay hindi pigilan ang academic freedom.
Aniya, walang intensiyon ang AFP na makialam sa classroom teachings, pero hindi umano nila hahayaan na ang mga estudyante ay ma-indoctrinate ng mga maling paniniwala na hahantong sa pagrerebelde laban sa gobyerno.
Una ng ibinunyag ng ilang mga dating NPA members na aktibong nag-rerecruit ang komunistang grupo sa mga eskwelahan.