Pinabulaanan ng Department of Budget and Management (DBM) ang aniya’y malisyoso at iresponsableng alegasyon ng blankong mga pahina o figures sa 2025 General Appropriations Act (GAA) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang statement, sinabi ng DBM na “false at reckless” ang naturang alegasyon.
Ipinaliwanag ng ahensiya na ang iprinisenta aniya ng tinawag nito na “misinformed individuals” ay ang mga pahina mula sa Bicameral Conference (Bicam) committee report at hindi ang General Appropriations Bill (GAB) o GAA.
Ipinunto ng Budget department na sa ilalim ng 1987 Constitution, hindi ang Bicam report kundi ang GAB ang siyang opisyal na isinusumite para sa pag-aaral at pag-apruba o pag-veto ng Pangulo.
Paliwanag ng DBM na ang GAB na iprinesenta sa Pangulo ay may mga detalye at sa oras na lagdaan ay magiging batas na tatawaging GAA.
Giit pa ng kagawaran na ang GAB na isinumite at nilagdaan ng Pangulo ay kumpletong dokumento, walang blangkong mga pahina at walang nawawalang detalye.
Kaugnay nito, hinimok ng DBM ang publiko na maging maingat at iberipika muna ang natatanggap na impormasyon bago gumawa ng anumang alegasyon at umapela sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Ginawa ng DBM ang paglilinaw kasunod ng pagpuna ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao city Cong. Isidro Ungab sa bicam report na invalid o walang bisa kaya hindi dapat umano ipatupad ang 2025 national budget dahil sa umano’y mga nadiskubreng blangko o patlang sa ilang mga pahina partikular na sa items sa ilalim ng unprogrammed appropriations at Department of Agriculture.
Sa panig naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bumuwelta ito at tinawag ang dating Pangulo na nagsisinungaling. Alam naman umano ni Duterte na bilang naging dating Pangulo na hindi maaaring ipasa ang GAA nang may blangko.
Saad pa ng Pangulo na mayroong kopya ng GAA sa website ng Department of Budget and Management (DBM) kaya’t hinimok ng Presidente ang mga kritiko at publiko na tignan ito para malaman kung may makikitang blangkong line item tulad ng ipinaparatang ng dating Pangulo.