-- Advertisements --

VIGAN CITY- Posibleng maharap sa kasong slander by deed ang isang mayoralty candidate sa Bangued, Abra matapos itong ireklamo ng pananampal ng tatlong residente sa nasabing bayan.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Police Major Dominador de Guzman, hepe ng Bangued municipal police station, ngayong araw nila malalaman kung desidong magsampa ng kaso sina Drexell Festejo Bermudez, 40; Rolly Benosa Bernardez, 46; at Jayrome Berras Bello, 32-anyos laban kay dating Bangued mayor Ryan Luna na tumatakbo bilang alkalde para sa May 13 midterm election dahil sa pagsampal sa kanila nito.

Ayon kay de Guzman, posibleng pinaghinalaan ni Luna na mayroong vote buying na isinasagawa sa bahay ni Bangbangar, Bangued, Abra Barangay chairman Loreno Laureta kaya pumasok ito at pinagsasampal ang tatlo na pawang supporters ng kalaban ni Luna sa pulitika na si re-electionist Mayor Dominick Valera.

Bukod sa pagsampal sa kanila, kinuha pa umano ni Luna ang sling bag ni Bello kung saan nakalagay ang cellphone nito at hindi na ibinalik pa.

Si Luna ay re-electionist mayor nang ipina-aresto siya noong 2013 dahil sa pinaniniwalaang koneksyon nito sa pagpatay kay Brenda Crisologo, asawa ni Tineg, Abra mayor Edward Crisologo noong 2007.

Nakapagpiyansa ito bago ang campaign season para sa 2016 elections at tumakbo sa pagka-bise gobernador ngunit natalo.

Kinukuha pa ng Bombo Radyo ang panig ng naakusahang mayoralty candidate sa nasabing isyu.