-- Advertisements --

jolo

Tinawag na kasinungalingan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyong sangkot sa illegal drugs ang si Cpl. Adbal Asula, isa sa apat na sundalong napatay sa madugong Jolo shooting incident nuong June 29,2020.

Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, nag-iimbento lamang ang mga pulis para makalusot sa criminal and administrative liabilities ang mga ito.

Giit ni Arevalo, pawang paninira sa reputasyon ni Corporal Asula ang ginagawa ng mga pulis para mabaling ang atensyon mula sa “senseless killing” ng mga sundalo.

Una narin aniyang ipinagpilitan ng mga pulis na “self defense” ang kanilang ginawang pamamaril sa mga sundalo.

Ito’y sa kabila aniya ng imbestigasyon ng NBI at testimonya ng mga eyewitness na walang “unlawful aggression” o “provocation” na ginawa ang mga sundalo sa mga pulis.

Magugunitang sa hearing ng Senate Committee on Public order and Dangerous Drugs and National Defense and Security, iprinisinta ni PNP-Bangsamoro Regional Director PBGen. Manuel Abu ang isang drug matrix kung saan kabilang ang ilang mga kamag-anak ni Cpl. Asula, na basehan umuno ng pagkakasangkot ni Asula sa iligal na droga.

Samantala, walang natanggap na report ang Wesmincom hinggil sa alegasyon na sangkot sa iligal na droga ang isa sa apat na sundalo na sangkot sa iligal na droga

Ayon kay Wesmincom chief MGen Corleto Vinluan, mali ang ginawang pagpatay ng mga pulis sa apat na sundalo.

Sinabi ni Vinluan naka-abang din ang pamilya ni Asula sa Jolo at maging ang kaanak ng tatlong iba pa sa kahihitnan ng kaso at nais nila na lumabas ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Nais ng militar sampahan na ng kasong murder ang siyam na pulis.

Aminado si Vinluan na maiinit ang pamilya ni Asula kaya kinausap nila na manatiling kalmado at huwag ilagay sa kamay ang batas.