Mariing pinabulaanan ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang mga panibagong alegasyon ni Joemel Advincula alyas Bikoy laban kina Sen. Antonio Trillanes, sa mga kandidato ng Otso Diretso, at ilang miyembro ng Liberal Party.
Sa panayam ng Bombo Radyo, iginiit ni Alejano na pawang kasinungalingan lamang ang mga panibagong alegasyon ni alyas Bikoy.
Sa kanyang pagharap sa media sa Camp Crame nitong araw matapos sumuko sa PNP, sinabi ni alyas Bikoy na “scripted” o gawa-gawa lamang ang nilalaman ng “Ang Totoong Narcolist Video” at ang nasa likod daw nito ay sina Trillanes, Sen. Risa Honteveros, Sen. Leila de Lima, ang Otso Diretso, Liberal Party at iba pa para siraan ang administrasyon.
Sinabi ni Alejano, na isa sa mga kandidato ng Otso Diretso sa nagdaang halalan, na “ridiculous” at walang katotohanan ang black propaganda na ibinibintang sa kanila ni alyas Bikoy.
Unang-una, binigyan diin ni Alejano na kailanman ay hindi nakausap ng Otso Diretso slate si alyas Bikoy.
Hindi rin daw sila magsasayang ng oras para makibahagi sa paggawa ng mga kuwento para lamang pabagsakin ang Duterte administration upang iluklok si Vice President Leni Robredo.
Lumalabas ngayon ayon kay Alejano na nililinis na ni alyas Bikoy ang mga naunang iniuugnay nito sa Ang Totoong Narcolist videos at ibinabaling na naman ang mga alegasyon laban sa oposisyon.
Pinuna naman ng kongresista ang pagpahintulot ng PNP kay alyas Bikoy na magsalita sa media kahit hindi pa nasasala ang impormasyon na binitawan nito.
“Ang nangyari kasi nagiging propaganda ang presscon na iyan hosted by the PNP. Kasi nga, hindi pa nila nasasala ang sasabihin ni Bikoy kung nuetral talaga sila,” ani Alejano
Sa ngayon, makikipag-ugnayan daw siya muna sa mga kapwa niya kandidato mula sa Otso Diretso maging sa kampo ni Robredo para alamin ang susunod na hakbang na kanilang gagawin sa naturang usapin.