Nananatiling nasa Alert Level 3 ang alert status ng Taal Volcano dahil sa nagpapatuloy na “magmatic unrest” dito ayon kay Phivolcs director Renato Solidum.
Ibig-sabihin lamang na bawal na bawal pa rin ang pagpunta sa volcano island at inirerekomenda pa rin ang evacuation ng mga nakatira sa ilang barangay ng Agoncillo at Laurel sa Batangas.
Mababatid na simula noong 2020 nang mag-alburuto ang Taal Volcano ay ipinagbawal na ang access sa volcano island, na dating tirahan ng ilang libong katao.
Sa ngayon, sinabi ni Solidum na ang sulfur dioxide emission sa Taal Volcano ay aabot na sa 1,000 tons per day.
Patuloy pa rin aniyang babantayan ng ahensya ang aktibidad ng bulkan sa susunod na dalawang linggo bago pa man magdesisyon kung magkakaroon ba nang pagbabago sa alert status sa bulkan.
Gayunman, sa ngayon, inaabisuhan niya ang mga residente malapit sa Taal Volcano na magsuot ng N95 mask para maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa ashfall.