Maari umanong palawigin pa ang pagpapatupad ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR) pagkatapos ng pilot implementation sa katapusan ng Setyembre.
Ayon kay National Task Force (NTF) against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla, posibleng palawigin pa ng dalawang linggo sa buwan ng Oktubre ang pagpapatupad sa Alert Level 4 granular lockdown.
Ang gagawing hakbang ay kapag bababa raw ang COVID-19 infections sa NCR.
Naniniwala si Padilla na posibleng sa pagpapalawig pa ng dalawang linggo saka makikita ang tunay na epekto nito sa data ng covid infections sa bansa.
Sakaling matagumpay daw ang pagpapatupad ng granular lockdown sa Metro Manila ay posibleng isagawa rin ito sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Nakatakda namang i-assess ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang COVID-19 Alert Level 4 sa NCR pagkatapos ng unang linggo ng pagpapatupad ng Alert Level 4.