Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring humantong sa “eruptive unrest” at pagtaas ng alert level sa mga probinsya ng Negros mula sa kasalukuyang Alert level 2 matapos maitala ang pinakamataas na emission ng asupre mula sa Bulkang Kanlaon nitong Martes.
Sa inilabas na advisory ng ahensiya nitong gabi ng Martes, ang volcanic sulfur dioxide (S02) gas emission mula sa summit crater ng Kanlaon batay sa campaign Flyspec measurement ay may average na 9,985 tonelada kada araw. Ito na ang pinakamataas na emisyon mula sa bulkan na naitala mula nang magsimula ang instrumental gas monitoring.
Napansin din ng ahensya na ang sulfur dioxide emission ng bulkan ay tumaas sa kasalukuyang average na 3,468 tonelada bawat araw mula noong June 30 eruption.
Naiulat ang sulfuric odors sa mga lugar ng Brgy. Ilijan sa Bago City; Brgy. Ara-al at Brgy. San Miguel sa La Carlota City; at Brgy. Masulog, Brgy. Linothangan, at Brgy. Pula sa Canlaon City.
Kaugnay nito, nagbabala ang Phivolcs na ang matagal na pagkakalantad sa sulfur dioxide ay maaaring magdulot ng implikasyon sa kalusugan tulad ng pangangati ng mata, lalamunan at respiratory tract. Pinayuhan din ng bureau ang publiko na iwasan ang pagpasok sa four kilometer-radius Permanent Danger Zone upang mabawasan ang mga panganib tulad ng pyroclastic density currents, ballistic projectiles, rockfall at iba pa.
Nitong umaga ng Martes nga ng naitala ang kabuuang 288 volcanic-tectonic earthquakes sa bulkan simula alas-8:30 ng gabi. Naramdaman ang Intensity II sa ilang barangay ng Canlaon City, Negros Oriental.