Wala pang mga rekomendasyon sa ngayon na itaas ang alert level sa Israel at Iran kasunod ng missile attack ng Iran laban sa Israel noong weekend.
Ayon kay DFA USec. for Migrant Workers’ Affairs Eudardo de Vega, inaantay pa nila ang rekomendasyon na magmumula kina Philippine Ambassador to Israel Pedro ‘Junie’ Laylo Jr. at Philippine Ambassador to Iran Ambassador Roberto Manalo.
Sa kasalukuyan, nakataas sa Alert level 2 ang alert status sa Israel kung saan ipinagbabawal ang pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino subalit ang mga mayroong kaukulang work documents ay pinapayagang makabalik.
Kayat sa ngayon ayon kay USec. De Vega, pinag-iingat ang mga Pilipino sa Israel at pinapayuhang sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan gaya ng pag-iwas sa pagbiyahe dahil kahit na nananatiling normal aniya ang sitwasyon doon posible aniya itong magbago.
Sinabi ng DFA official na may humigit kumulang 30,000 Pilipino kabilang ang mga permanenteng residente sa Israel subalit kakaunti lamang ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na umuwi sa bansa sa kabila ng kaguluhan doon.
Kadalasan kasi ayon sa opisyal, ang mga umuuwi sa bansa ay wala ng trabaho o matagal ng overstaying at may edad na.
Samantala sa Iran naman kung saan mayroong 2,000 Pilipino doon, wala ding advisory pa na iniisyu sa ngayon para sa pagtataas ng alert level status.
Kumpiyansa naman ang opisyal na mauunawaan ng mga Pilipino ang sitwasyon sa Middle East at nakahanda sila sakaling lumala ito.
Tiniyak din ng DFA na nakahanda ang gobyerno ng PH na tulungan ang mga nais na ma-repatriate at mayroong contingency plans ang mga embahada.