-- Advertisements --

VIGAN CITY – Masusing iniimbestigahan ng mga opisyal ng Northern Luzon Command (NolCom) kung sino sa mga kasamahan nila ang nagpakalat sa social media sa alert memo hinggil sa posibleng pag-atake ng mga teroristang ISIS sa ilang lugar sa Northern Luzon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NolCom spokesman Major Ericson Bulusan na tiyak umanong pagpapaliwanagin ang sinumang mapatunayang nagpakalat ng nasabing alert memo at mapapatawan ito ng karampatang parusa kung sakali.

Sa ngayon, hindi pa umano nila maaaring sabihin kung sinu-sino ang mga iniimbestigahan nila nang sa gayon ay hindi maapektuhan ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Nilinaw ng opisyal na bagama’t totoo ang alert memo, kailangan pa itong dumaan sa masusing validation ng mga intelligence units na nasa ground.

Muli nitong ipinayo sa publiko na kung maaari ay huwag agad na maniwala sa mga kumakalat na security threat sa social media at huwag nang magpakalat ng maling impormasyon upang hindi mag-panic ang mga taong makakabasa ng mga ito.