-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Itinaas na ng puwersa ng mga otoridad ang full alert status sa bayan ng Mangatarem matapos ang naitalang engkuwentro sa lugar simula pa madaling araw ng Martes.

Ito ang kinumpirma sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, ni P/Maj. Fernando Fernandez Jr., tagapagsalita ng PNP Pangasinan. Aniya, bukod sa Mangatarem itinaas din ang naturang alerto sa karatig na bayan.

Kinumpirma din nito na ilang mga residente malapit sa lugar ng engkuwentro ang inilikas na para narin sa kanilang kaligtasan kasabay ng pagtitiyak na wala naring mga sibilyan na makakapasok pa sa lugar habang kasalukuyan ang hot pursuit operation.

Kasunod nito ay nanawagan naman si Fernandez ng tulong at pakikiisa sa publiko na lumayo sa lugar ng engkuwentro subalit agad na magreport sa mga otoridad sakali mang may maramdamang presensya ng rebeldeng grupo sa kanilang lugar.