LEGAZPI CITY – Pormal nang ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 1 status o low level of unrest ang Bulkang Mayon ngayong araw.
Matatandaang taong 2018 nang mag-alburoto ang bulkan at noong Marso 29 sa kaparehong taon, ibinandera ang Alert Level 2 o moderate level of unrest.
Paliwanag ni PHIVOLCS Director Renato Solidum sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nakitaan ng patuloy na pagbaba ng aktibidad ang mga parametrong binabantayan sa Mayon.
Sa nakalipas aniyang anim na buwan, bumaba sa daily average na isa ang lindol sa Mayon na indikasyon ng kawalan ng active transport ng eruptible magma sa mababaw na lebel ng bulkan.
Mula Enero 2020, nasa 300 hanggang 700 tonelada sa loob ng isang araw ang buga ng asupre kumpara sa baseline na average 500 tonnes per day.
Nababanaag pa ang crater glow kung gabi sa lava dome subalit hindi umano nakitaan ng anumang pagbabago sa obserbasyon ngayong taon habang may pamamaga rin sa ilang bahagi.
Samantala, nilinaw ni Solidum na kahit ibinaba na ang alert status sa Mayon, hindi umano ito nangangahulugan na wala nang posibilidad sa mga phreatic eruption kaya’t payo pa rin ang ibayong pag-iingat at pagbabawal sa pagpasok sa danger zones.