-- Advertisements --

Tinanggap na ng komedyante, at writer na si Alex Calleja, ang public apology ni Chito Francisco na isa ring comedy writer, matapos ang pahayag ni Francisco na inakusahan si Calleja ng “pagnanakaw” ng joke tungkol sa car wash. Ang insidente ay nagdulot ng mga diskusyon online matapos ang pahayag ni Francisco na nag-akusa kay Calleja.

Noong Sabado, Pebrero 15, nag-post si Calleja sa Facebook ng “Apology accepted. Let’s move on.” Ibinahagi niya ang isang larawan ng mahabang public appology ni Francisco.

Public Apology ni Chito Francisco.

Sa kanyang paumanhin, inamin ni Francisco na siya ay naging pabaya at hindi maingat sa kaniyang sinasabi na nagdulot ng pinsala sa reputasyon ni Calleja.

‘I would like to publicly apologize to Alex Calleja, my fellow writer, for accusing him of stealing the car wash joke, when in fact, as he has presented proof and receipts, Alex wrote it ahead, which substantiated that he wrote the joke earlier than mine,’ ani Francisco.

Nababatid na nagsimula ang kontrobersya nang mag-post si Francisco sa social media at sinabi niyang napanood niya ang isang comedy special sa isang streaming platform, at napansin niyang ginamit ang isang biro na isinulat niya.

‘Nanood ako ng Netflix special ng isang Pinoy stand-up comedian. Ginamit ‘yung isang joke ko. Well, marami pa ako niyan brod. Madami ka pa puwede nakawin,’ aniya. Ang tinutukoy niya ay ang comedy special ni Calleja, ”Tamang Panahon”, na kasalukuyang pinakamost-streamed na palabas sa platform.

Bilang tugon, ibinahagi naman ni Calleja ang mga screenshot ng kanyang mga biro tungkol sa car wash, na sinasabing ginagamit niya na ito mula pa noong 2011.

Ipinaliwanag niya sa kanyang post na sa mundo ng comedy, kung may parehong biro ang dalawang comedian, dapat nilang pag-usapan ito nang pribado at hindi i-post sa social media.

‘Sa mundo po ng comedy writing, kapag may kaparehas o parallel joke ka sa isang comedian, may disenteng paraan po para magsabi ng parehas kayo. Ang tawag po dun ay pribadong usapan tulad ng cellphone at chat,’ saad ni Calleja.

Nagbigay din siya ng mahigpit na paalala, na nagsasabing, ‘Anyway, ingat po tayo sa salitang nakaw. May cyber libel po tayo at hindi ‘yun joke. Remember, I have a friend.’

Pahayag ng kampo ni Alex Calleja, matapos ang pag-akusa dito ng pagnanakaw ng joke. SOURCE: @Alex Calleja / FB page.

Dahil dito naglabas siya ng public apology at inamin na may malubhang epekto ang kanyang mga pahayag.

‘What I said was wrong, and I would like to minimize the extent of the damage already suffered by Alex caused by my negligence to the best that I can,’ ani Francisco.

Dagdag pa niya, ‘I know what I had said has civil and criminal implications and penalties, which I hope in writing this public apology and posting it, can show my remorse and (acknowledgment) of my irresponsible act against Alex. I hope that this public statement will peacefully end the issue and settle the matter between me and Alex once and for all.’

Ngayon na tinanggap na ang paumanhin, umaasa ang dalawang panig na matutuldukan na ang isyu at matutunang magpatuloy nang ‘walang alitan sa pagpapatawa.