-- Advertisements --

Hawak na ni Pinay tennis star Alex Eala ang No. 75 sa Live Women’s Tennis Association ranking, kasunod ng impresibong performance sa mga nakalipas na laban sa 2025 Miami Open.

Bago ang pagsabak ni Eala sa naturang turneyo, hawak nito ang pang-140 na pwesto sa WTA.

Agad siyang umakyat sa ranking at nilagpasan ang mahigit dalawampung player na dating mas mataas kaysa sa kaniya.

Ang bagong rank ay batay sa ATP Rankings, isang merit-based system na ginagamit ng Association of Tennis Professionals (ATP).

Kung maipapanalo ni Eala ang mga susunod na laban, tiyak ang lalo pa niyang pag-akyat sa pwesto, kapag ilabas na ng WTA ang opisyal na ranking mga babaeng tennis player sa buong mundo.

Bagaman hindi opisyal ang live ranking, ito ay nagpapakita ng real-time projection sa standing ng isang player, batay sa pinakahuling resulta ng kanilang performance.

Samantala, sa isang panayam kay Eala matapos ang impresibong performance laban kay Iga Swiatek, iginiit niyang dati na niyang inasam na makakaharap din ang World No. 2 at iba pang kilalang tennis player ngunit hindi umano niya ito inaasahang mangyayari sa maikling panahon.

Si Eala ay nagtapos sa Rafa Academy kung saan sa kaniyang graduation ay magkasama sina 22-Grand Slam champion Rafael Nadal at Swiatek na naggawad sa certificate ng tennis star.