-- Advertisements --

Umakyat na si Pinay tennis star Alex Eala sa ika-75 pwesto, batay sa pinakabagong ranking na inilabas ng Women’s Tennis Association(WTA) ngayong araw, March 31.

Maalalang bago sumabak si Eala sa 2025 Miami Open ay nasa ika-140 puwesto pa siya ngunit dahil sa impresibong performance ay nagawa niyang laktawan ang kabuuang 65 na player na dating mas mataas sa kaniya sa WTA ranking.

Nagawa kasi ng teenager na pataubin ang ilang Grand Slam winner na sina Jelena Ostapenko ng Latvia sa Round of 64, Madison Keys ng United States sa Round of 32, at Iga Swiatek ng Poland sa quarterfinals.

Dahil dito, lalo pang tumaas ang tyansa ni Eala na magkaroon ng direct entro sa apat na major tennis tournament sa buong mundo na pangunahing sinasalihan ng mga tennis legend.

Kinabibilangan ito ng Australian Open, French Open, Wimbledon, at US Open.

Sa pag-akyat ng 19 anyos sa Top-100 ng WTA, napabilang siya sa walong tennis player sa buong mundo na maituturing bilang pinaka-batang nakapasok dito.

Ang kinikilalang pinakabata ay ang world no. 7 na si Mirra Andreeva ng Russia sa edad na 17 habang sumusunod dito ang world no. 81 na si Maya Joint ng Australia sa 18 anyos.

Inaasahang sasabak muli ang 19 anyos na tennis star sa mga susunod na international tennis tournament matapos ang impresibong kampaniya sa Miami na opisyal na nagtapos nitong nakalipas na linggo.