Maliban sa pag-akyat sa Women’s Tennis Association (WTA) ranking, tiyak din ang mahigit P19 million na halaga ng premyo na maiuuwi ni Pinay tennis star Alex Eala kasunod ng impresibong performance sa 2025 Miami Open.
Sa naturang turneyo, ang semifinal appearance kasi ay tiyak na maghahatid ng guaranteed price na US$332,160 o mahigit P19 million.
Ang mahigit P19 million na mai-uuwi niya sa naturang turneyo ay malayong mas malaki kumpara sa kabuuang $32,000 na ibinulsa ni Eala sa buong season.
Samantala, kung umabot sana sa finals ang 19 anyos na tennis star, tiyak na ang pagbulsa niya ng $597,890 (P34M) habang $1,124,380 (P64.5M) naman ang maibubulsa kung kinoronahan bilang champion.
Samantala, matapos ang Miami Open ay inaasahang aangat muli ang Pinay tennis star sa WTA ranking.
Batay sa inisyal na WTA live rankings, umakyat na si Eala sa No. 75 mula dating rank 140 bago nagsimula ang Miami Open.
Nangangahulugan itong makakapasok na ang Pinay star sa loob ng top 104 kapag nagsimula na ang seeding process para sa susunod na tatlong grand slam ngayong season.
Magsisimula ito sa French Open sa buwan ng Mayo.
Sa kabuuan ng Miami Open, nagawa ni Eala na patumbahin ang apat na player na nasa loob ng Top 25 sa WTA ranking. Tatlo sa mga ito ay pawang mga Grand Slam champion.