Nasungkit ni Alex Eala ang isa pang titulo ng International Tennis Federation (ITF) matapos dominahin si Arina Rodionova ng Australia, 6-2, 6-3, sa finals ng W25 Roehampton tournament sa London.
Ang 18-anyos na Filipina tennis star ay nangibabaw mula simula hanggang sa katapusan ng laro upang angkinin ang kanyang ika-apat na overall singles career win.
Bago ang finals, nalampasan ni Eala si Arianne Hartono ng Netherlands sa semis at ang Australian na si Priscilla Hon sa quarters.
Samantala, noong nakaraang Hunyo bago nagmartsa bilang iskolar ng Rafa Nadal Academy, napanalunan ni Eala ang W25 Yecla crown sa Spain.
Ito ang ikaapat na titulo ng ITF ni Eala matapos manalo sa kanyang unang titulo sa 2021 W25 Manacor, na sinundan ng W25 Chiang Rai noong 2022.