Walang panghihinayang si Alex Gonzaga sa naging pulot-gata nila ni Lipa City Councilor Mikee Morada sa Amanpulo, Palawan.
Nabatid na kasama kasi ng 33-year-old comedianne sa bakasyon nilang mag-asawa ang kanyang mga magulang, gayundin ang kanyang ate at kapwa TV host na si Toni Gonzaga pati pamangkin.
Ayon kay Alex o Catherine sa tunay na buhay, hindi sila mahilig ni Morada sa beach pero naging sulit dahil masaya pa rin ang tinagurian niya bilang “familymoon.”
Dati aniya ay pangarap lang talaga niya na makasama si Mikee sa bakasyon at ngayon lamang ito naisakatuparan nang maikasal na.
“Sa totoo lang dahil hindi naman kami mahilig sa beach ni Mikee, hindi ito magiging super sayang experience without mommy at daddy kasama si Seve. Thank you Lord for this wonderful trip for me and my parents and of course my husband,” wika ng nakababatang Gonzaga.
Una nang nag-sorry sa kanyang fans si Alex matapos na dalawang buwan isinikreto na pinasok na pala nito ang buhay may-asawa.
Ito’y sa pamamagitan aniya ng civil wedding ceremony sa family room ng kanilang bahay sa Taytay, Rizal, noong November 2020.
Isang buwan itong delayed, matapos tamaan ng coronavirus ang komedyante gayundin ang kanyang mga magulang at napang-asawa.
Paliwanag ng kapatid ni Toni o Celestine sa tunay na buhay, nais kasi nito na ma-enjoy in private ang mahalagang kabanata ng kanyang buhay kung saan kani-kanilang pamilya lamang ang naging imbitado lalo’t nasa gitna pa ng pandemya ang bansa.