-- Advertisements --

Inialay ng Ilongga beauty queen na si Alexie Brooks sa Miss Eco International 2025 competition nitong araw ng Linggo, Abril 20 na ginanap sa Alexandria, Egypt ang kanyang tagumpay sa kanyang yumaong lola na si Lola Basing.

Sa social media, ibinahagi ni Alexie ang larawan ng kanyang lola habang nasa TV screen ang kanyang crowning moment. “Lola! I made it,” ani niya sa caption.

Pumanaw si Lola Basing noong Setyembre 2024. Malapit si Alexie sa kanyang lola na siyang nag-alaga sa kanya habang ang ina ay nagtatrabaho bilang OFW sa Lebanon. Kamakailan lang ay nagsulat rin siya ng mensahe para sa kaarawan ng kanyang lola noong Abril 16.

Bukod sa korona, nasungkit din ni Alexie ang Best in National Costume para sa kanyang Philippine Eagle-inspired outfit na dinisenyo ni Tata Pinuela.

Ito na ang ikatlong Miss Eco International crown para sa Pilipinas, kasunod nina Cynthia Thomalla (2018) at Kathleen Paton (2022).