-- Advertisements --

Inihayag ng Bureau of Immigration sa publiko na ang pasimuno umano sa pagtakas ng ilang Chinese nationals ay kinilalang si alias ‘Batman’.

Sa isinagawang pulong balitaan ngayong araw, kinumpirma mismo ng naturang kawani na si alias Batman raw ang naglakad upang idaan sana ang 5 Chinese sa backdoor ng bansa.

Ngunit ang plano sanang pagtakas ay naunsami matapos masira at tumigil sa pag-andar ang sinasakyan nilang bangka habang nasa karagatan ng Tawi-tawi.

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, aabot sa walo ang lulan nito kung saan lima (5) sa kanila’y Chinese kasama ang tatlong (3) mga Pilipino.

Sa ibinahagi namang pahayag ng kasalukuyang kalihim ng kawani na si Spokesperson Dana Sandoval, sinabi niyang ang mga naarestong dayuhan ay mga trabahador umano sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.

Aniya’y natuklasan rin na may koneksyon ang limang (5) Chinese sa ni-raid kamakailan na kumpanya ng POGO na Lucky South 99.

Dahil dito, nagpaabot ng pasasalamat si Bureau of Immigration Commissioner Viado sa koordinasyon kasama ang Philippine National Police sa matagumpay na pagkakaaresto ng limang dayuhang Chinese.