Ibinunyag ni Alice Dixson na babae ang kanyang panganay na isinilang sa pamamagitan ng surrogacy.
Ayon sa 51-year-old actress/beauty queen, pinangalanan niya ito bilang si Aura na hangad niyang maging matapang din na babae tulad niya ng kanyang ina.
Una nang nagpasalamat ang Binibining Pilipinas International 1986 dahil matapos ang 10 taon na pagdarasal at taunang birthday wish, ay natupad na ang pangarap nito na magka-baby sa kabila ng pandemya.
“Everybody has been asking her gender. Babae po siya. Her name is Aura. My mom was very strong and then I learned from her to really parang be persistent, to look at the bright side of things,” saad nito sa Eat Bulaga.
Noong nakaraang linggo lang nang makauwi na sa Pilipinas mula Canada si Dixson kung saan sumailalim silang mag-ina sa mandatory quarantine sa isang hotel sa Taguig.
Sa proseso ng surrogacy, ibang babae ang magdadala ng sanggol sa sinapupunan.
Taong 2019 nang aminin nito sa publiko na sinusubukan na nila ng kanyang partner ang surrogacy dahil hirap siyang magbuntis.
Dati siyang ikinasal sa negosyanteng si Ronnie Miranda pero nauwi sa hiwalayan matapos ang 14 years.
Noong nakaraang taon nang maging maingay sa social media si Dixson dahil sa kanyanyang larawan habang nasa cannabis farm kung saan layunin pala na gumawa ng vlog patungkol sa medical marijuana.
Burado na ang controversial marijuana farm tour photo nito, matapos umani ng hating reaksyon at binalaan pa ng ilan na baka raw puntiryahin ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Kanya na ring nilinaw ang hinggil sa tinaguriang “taong ahas” urban legend na kanyang kinasangkutan habang nasa isang sikat na mall sa Ortigas.
Dito ay iginiit niya na walang katotohanan ang kuwento na naisalin na sa iba’t ibang bersyon sa loob ng tatlong dekada.