Mistulang “guessing game” sa fans at mga kaibigan sa showbiz ni Alice Dixson kung ano ang kasarian ng kanyang first baby na usap-usapang kasama niya nang uuwi sa Pilipinas.
Si Dixson ay kasalukuyang nasa US kung saan naroon ang kanyang baby na ipinagbuntis via surrogacy at isinilang na tila kasabay nitong nagdaang Holy Week.
May mga nagsabi na lalaki ang anak ni Alice dahil sa larawan kung saan buhat nito ang isang batang lalaki, at nagpahayag ng excitement kapag ganoon na raw kalaki ang kanyang “little one.”
“Thinking of how my little one will look like next year walking around like
this…” saad nito.
Ngunit mayroon din na “team baby girl” dahil sa komento ng anak ni Dr. Vicki Belo na si Cristalle kung saan ginamit ang “her” na excited daw niyang ma-meet.
“I can’t wait to meet her,” sabi ni Cristalle kay Alice.
Sa proseso ng surrogacy, ibang babae ang magdadala ng sanggol sa sinapupunan.
Una nang nagpasalamat ang 51-year-old actress dahil matapos ang 10 taon na pagdarasal at taunang birthday wish, ay natupad na ang pangarap nito na magka-baby sa kabila ng pandemya.
Taong 2019 nang maging bukas ang Binibining Pilipinas International 1986 sa pag-amin na sinusubukan na nila ng kanyang partner ang surrogacy dahil hirap siyang magbuntis.
Dati siyang ikinasal sa negosyanteng si Ronnie Miranda pero nauwi sa hiwalayan matapos ang 14 years.
Noong nakaraang taon nang maging maingay sa social media si Dixson dahil sa kanyanyang larawan habang nasa cannabis farm kung saan layunin pala na gumawa ng video blog (vlog) patungkol sa medical marijuana.
Burado na ang controversial marijuana farm tour photo nito, matapos umani ng hating reaksyon at binalaan pa ng ilan na baka raw puntiryahin ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Kanya na ring nilinaw ang hinggil sa tinaguriang “taong ahas” urban legend na kanyang kinasangkutan habang nasa isang sikat na mall sa Ortigas.
Dito ay iginiit ng actress/beauty queen na walang katotohanan ang kuwento na naisalin na sa iba’t ibang bersyon sa loob ng tatlong dekada.