Kahon-kahong dokumento ang dinala nitong Biyernes sa Department of Justice (DoJ) para sa mga reklamong money laundering laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Maging si Shiela Guo, Cassandra Ong at mahigit 30 iba pa ay kasama rin sa complaint.
Pinangunahan ng National Bureau of Investigation (NBI), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pagsusumite ng 87 counts ng mga kaso.
SInasabing may kinalaman ang usapin sa mga transaksyon nina Guo at iba pang personalidad sa Hongsheng Gaming Technology, Baofu Land Development Inc., at Zun Yuan Technology Inc.
Ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Felix Ty, hindi nakapasok sa pamantayan si Shiela Guo upang maging testigo, dahil ito mismo ay may malaking role sa mga iligal na aktibidad.
Maging si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ay nagpahayag ng pagdududa sa katotohanan ng mga testimonya ni Shiela nang humarap ito sa mga senador kamakailan.
Nauna nang naglabas ang Court of Appeals (CA) ng freeze order sa mga bank accounts at iba pang assets ng sinibak na alkalde, makaraang akusahang sangkot sa operasyon ng POGO sa kaniyang bayan.