Maaring makulong mula 609 hanggang 1,218 taon sina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kaniyang kapwa akusado sakaling mapatunayang guilty sa money laundering charges.
Sa pagpapatuloy ng imbestigayson ng Senado sa pagtakas ni Alice Guo palabas ng bansa ngayong araw, sinabi ni Anti-Money Laundering Council lawyer Adrian Arpon na sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act para sa Section A,B at C, may katumbas na 7 taon hanggang 14 na taon ang bawat bilang ng na-commit na money laundering.
Kaugnay nito, ipinaalam ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, ang chair ng subcommittee na nangangasiwa sa inquiry, kay Sheila Guo na present sa naturang pagdinig na maaari siyang makulong kasama sina Alice at iba pa nang lampas pa sa isang lifetime.
Matatandaan na una ng naghain ang AMLC kasama ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ng 87 bilang ng money laundering laban kay Alice Guo, Sheila Guo, Cassandra Li Ong, dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) Deputy Director General Dennis Cunanan at 28 iba pa para sa kanilang pagkakasangkot sa operasyon ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operators na nadiskubreng sangkot sa mga ilegal na gawain.
Nag-ugat ang mga inihaing kaso sa P7 billion na umano’y ginamit para sa mga operasyon ng illegal POGO hub na sinalakay ng mga awtoridad sa Bamban, Tarlac