Panahon na upang ilahad ni dismissed Bamban mayor Alice Guo ang buong katotohanan patungkol sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa Bamban, Tarlac kapag humarap na ito muli sa imbestigasyon ng Senado.
Ito ang sinabi ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ngayong hawak na ng mga otoridad ng bansa ang suspendidong alkalde.
Giit ni Gatchalian, mas makabubuti kung magsasabi na si Guo ng totoo sa ikakasa muling pagdinig ng Senado.
Magdudulot lamang aniya nang mas mabigat na parusa para sa dating alkalde kung patuloy na magsisinungaling ito o tangkain na pagtakpan ang mga kasabwat at utak sa likod ng mga operasyon ng POGO.
Samantala, hindi rin naman pinalampas ng senador ang mga high ranking officials na nagpa-selfie kay Alice Guo nang i-turn over ito ng Indonesian authorities sa law enforcement agencies ng Pilipinas.
Dapat magpakita aniya ng professionalism at proper decorum ang lahat ng alagad ng batas lalo na sa pagaresto ng mga pugante.
Aniya, hindi maganda na nagpapa-selfie at ipino-post sa social media ng mga enforcers ang larawan kasama ang isang kriminal.
Gayunpaman, sinabi ng senador na hindi maaaring palagpasin ng mga enforcement agencies ang ganitong klaseng asal.