Hiniling ng na-dismiss na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Leal Guo na ibasura ang human trafficking complaint laban sa kaniya dahil nabigo umano ang mga complainant na patunayang dawit siya sa krimen.
Sa counter-affidavit na inihain ni Guo ilang araw matapos isumite para sa resolution ang reklamo laban sa kaniya sa DOJ noong Agosto 6, sinabi ni Guo na ang tanging naging basehan lamang ng reklamo laban sa kaniya ay ang electric bill at mga dokumento ng BAOFU Land Development, Inc. kung saan siya ay dating stockholder na hindi aniya sapat para patunayang dawit siya sa krimeng kinasasangkutan ng sinalakay na POGO hub na nag-upa sa Baofu compound na nasa likod lamang ng Bamban Municipal Hall.
Iginiit ni Guo na ibinenta na niya ang kaniyang shares sa Baofu kay Jack Uy. Malinaw aniya na hindi makatarungan para akusahan siyang sangkot sa human trafficking dahil lang sa alkalde siya ng Bamban. Hindi din aniya dapat gamitin ang kaniyang posisyon sa walang basehang alegasyon lalo na kung walang credible evidence para suportahan ang naturang alegasyon.
Sinabi din ni Guo na ang naturang reklamo laban sa kaniya ay politically motivated smear campaign.
Matatandaan na inihain ang reklamong human trafficking laban kay Guo at iba pa may kaugnayan sa sinalakay na POGO hub sa pinamunuang bayan ni Guo na Bamban kung saan nadiskubre ang ilang kagamitan sa panonorture, human at sex trafficking, kidnapping, at scamming activities. Nagresulta din ang operasyon sa pagkakasagip ng mahigit 800 mga dayuhan.