Hiniling ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo sa Department of Justice na ibasura ang reklamong perjury at falsification laban sa kaniya kaugnay sa kaniyang notarized counter-affidavit sa qualified trafficking case.
Iginiit ng abogado ni Guo na si Atty. Stephen David na hindi dapat kasuhan si Guo dahil wala umano itong partisipasyon sa pag-notaryo sa counter-affidavit.
Nauna na ngang ibinunyag ng aide ni Guo na si Cath Salazar sa pagdinig sa Senado na inutusan umano siya ng sinibak na alkalde para ipanotaryo ang naturang counter-affidavit.
Subalit ayon kay Atty. David hindi ito nangangahulugang may pananagutan si Guo. Ang kailangan aniyang patunayan ay ang akto na nagpalsipika ito ng notarisasyon.
Matatandaan na nabunyag na nakalabas na ng Pilipinas si Guo nang pina-notaryo ang counter-affidavit noong Agosto 14 sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Sa pagdinig din sa Senado, tumestigo si Guo na nilagdaan niya ang naturang dokumento bago umalis ng bansa noong unang linggo ng Hulyo.
Inamin din ni Atty. Elmer Galicia, ang abogadong nag-notaryo ng counter-affidavit na hindi personal na nanumpa sa kaniya si Guo na minamandato sa ilalim ng batas.
Bunsod nito, naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng reklamo laban sa sinibak na alkalde ng perjury, paggamit ng palsipikadong dokumento at falsification by a notary public.