-- Advertisements --

Naniniwala ang Bureau of Immigration na ilegal na lumabas ng bansa si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo at hindi ito dumaan sa kinakailangang pagsusuri ng mga tauhan ng ahensya.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco nakatanggap sila ng impormasyon na si Guo ay ilegal na lumipad patungo sa Malaysia noong Hulyo.

Ginawa ni Tansingco ang pahayag ilang araw matapos dumating mula sa isang pulong ng ASEAN ng mga immigration heads sa Vietnam.

Nilinaw ni Tansingco na habang ang pangalan ni Guo ay nakalagay sa Department of Justice-issued immigration lookout bulletin (ILBO), ang kanyang departure ay hindi nakatala sa system at centralized database ng ahensya.

Ibinahagi rin ni Tansingco na umalis na rin ng Pilipinas si Katherine Cassandra Li Ong noong Hunyo 11, bago inilabas ang immigration lookout bulletin laban sa kanila noong Agosto 6.