-- Advertisements --

Nagpaliwanag na umano si Alice Guo sa kung bakit siya nagsinungaling sa kanyang tunay na kinaroroonan sa mga nakalipas na buwan.

Ayon sa legal counsel ng dating alkalde na si Atty Stephen David, sinabi umano sa kanya ni Alice na ang banta sa kanyang buhay ay ang tanging dahilan kung bakit napilitan siyang hindi sabihin sa kanya ang tunay na lokasyon.

Maaalalang dati ring ipinagpipilitan ng abogado na nasa Pilipinas pa rin si Guo hanggang sa lumabas na naaresto na siya ng mga miyembro ng Indonesian Police at tuluyan nang napabalik dito sa Plipinas.

Ayon kay David, naniniwala umano si Guo na baka lalo lamang siyang matiktikan ng mga nagbabanta sa kanyang buhay kung sasabihin niya ang kanyang address.

Muli ring iginiit ng abogado na dati nang nais ni Alice na sumuko sa mga otoridad bago pa man siya matunton at mahuli ng Indonesian authorities.

Gayunpaman, hindi aniya magawa ng dating alkalde na sumuko dahil na rin sa banta sa kanyang buhay.

Una nang nakausap ng abogado ang kanyang kliyente sa pagbabalik niya dito sa Pilipinas nitong Biyernes ng madaling araw.