Itinanggi ni dismissed Bamban mayor Alice Guo na may tumulong sa kanyang opisyal ng gobyerno at Pilipino upang makatakas ng Pilipinas.
Ang pagtanggi ni Guo ay matapos kwestiyunin ni Senadora Risa Hontiveros at Jinggoy Estrada sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children kung sinong tumulong sa kanyang makaalis ng bansa.
isinalaysay kasi ni Guo na yate ang kanilang sinakyan nina Shiela at Wesley Guo upang makatakas ng Pilipinas.
Mula sa isang pantalan sa Maynila ay sumakay sila ng yate na sa kanyang tantya ay bago mag alas-dyes ng gabi at mga ilang oras ay saka lumipat sa mas malaking barko.
Tumagal aniya sila sa malaking barko ng tatlo hanggang limang araw kung saan nananatili lamang sila sa loob ng isang kwarto.
Hindi isinapubliko ni Guo kung sino ang may-ari ng yate ngunit isinulat nito sa isang papel batay sa hiling ng mga senador kung sino ang tumulong sa kanya na makalabas ng bansa.
Lumalabas na isang Chinese national ang nag-facilitate upang sila ay makatakas ng Pilipinas noong Hulyo.
Dahil sa pilit na pagtanggi ni Guo na walang tumulong na Pinoy sa kanila, hindi naniniwala si Estrada at sinabing imposible ito.
Samantala, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na mahalagang usigin ang mga taong tumulong kay Guo na makatakas at nagtayo ng mga POGO hub upang maparusahan ang mga ito.
Pitong kaso na aniya ang isinampa laban kay Guo at iginiit ni Gatchalian na ito na ang isa sa pinakamalalim at malalang kirmen sa isang tao.
Mananatili pa rin na iditene si Guo sa Philippine National Police Custodial Center ngayong hihilingin pa ng komite sa Korte at sa Ombudsman na sa kustodiya ng Senado dapat ang may hawak sa suspendidong alkalde.
Ngunit, sinabi ni Estrada na sa oras malipat sa Senado ang kustodiya ni Guo, ipakukulong ito sa Pasay City Jail.