Iwas pusoy si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang gisain kung kakilala niya ang abogadong si Atty. Elmer Galicia na nag-notaryo ng kaniyang counter-affidavit noong Agosto para sa reklamong human trafficking na inihain sa Department of Justice.
Sa naging pagdinig sa Senado nitong Lunes, tinanong ni Senator Risa Hontiveros si Guo kung kakilala niya ang abogadong si Atty. Galicia subalit sa halip na sumagot ng oo o hindi, iginiit ng sinibak na alkalde ang kaniyang karapatan laban sa self-incrimination.
Muling inusisa ni Sen. Risa si Guo subalit minabuti ng dating alkalde na konsultahin muna ang kaniyang legal counsel sa naturang isyu.
Iginiit naman ng Senadora na hindi incriminatory ang kaniyang tanong, bagay na sinusugan naman ni Senator Jinggoy Estrada.
Hiningi din ni Sen. Risa ang side ng resource person na si NBI Director Jaime Santiago kaugnay sa isyu. Dito, kinumpirma ng opisyal na mayroong panayam kay Guo kung saan kinumpirma niyang kakilala niya nga si Atty. Galicia. Subalit itinanggi ni Guo na nagkaroon siya ng panayam hinggil sa naturang usapin.
Una rito, sa isang video na nakunan habang nasa Indonesia pa si Guo, tinanong siya ni NBI Special Task Force’s Atty. Joselito Valle kung may kilala siyang abogado. Sumagot naman si Guo na marami siyang kakilala.
Sinundan ito ni Valle ng pagtatanong kay Guo kung kakilala niya si Atty. Galicia. Direkta namang itinanong ni Guo kung ang nag-notaryo ng kaniyang counter-affidavit ang tinutukoy ng NBI official at sinagot na kakilala niya ito subalit tumangging sumagot nang tanungin kung kailan sila huling nagkita ng nasabing abogado.
Maaalala, naging kwestiyonable ang inihaing counter-affidavit ni Guo sa DOJ noong Agosto 14 matapos ibunyag ni Sen. Risa na nakalabas na ng Pilipinas si Guo noon pang Hulyo. Kaugnay nito, maaaring maharap ang abogadong nag-notaryo dahil sa lapses nito sa pagproseso ng naturang dokumento.