-- Advertisements --

Inamin ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na mayroong dayuhan at Pilipino na nagbabanta sa kanyang buhay.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, tinanong ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. kung sino ang nagbabanta sa kanyang buhay.

Hindi pinangalanan ni Guo at sinabi lamang na mayroong Pilipino at dayuhang nagbabanta sa kanya.

Samantala, hindi maiwasang magduda ni Senador Sherwin Gatchalian kung talaga bang may banta sa buhay si Guo gayong hindi ito naghain ng police report.

Giit ni Gatchalian, posibleng dahilan lamang ito ni Guo upang iwasan ang mga tanong sa pagdinig.

Inamin kasi ni Guo na hindi siya naghain ng police report sa gitna umano na natatanggap niyang banta sa buhay.

Giit ni Gatchalian, noong siya ay nakatanggap ng death threat ang unang ginawa niya ay nag-file ng police report para maimbestigahan ng mga kapulisan kung totoo o hindi na mayroong nagtatangka sa kanyang buhay.