Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo na maaaring maghain ng kaso ng election-related offense laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo matapos tumugma ang kanilang fingerprints ng Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, maaaring maghain ang poll body ng mga kaso na “motu proprio” laban kay Guo.
Batay kase sa Certificate of Candidacy (COC) ni Guo nang tumakbo bilang mayor ng Tarlac municipality noong 2022 elections, nilagdaan niya ang isang pahayag na siya ay isang mamamayang Pilipino at hindi siya isang permanent resident o immigrant ng ibang bansa.
Ani Garcia, pupwedeng humarap si Guo sa election offense na may three to five years na pagkakakulong. Kasabay nito, pwedeng pa siyang maharap sa kasong perjury o kasong falsification dahil nagsinungaling ito sa isang pinanumpaan na dokumento.
Binigyang-diin din ng chairman na ang mga batas ng bansa ay applicable sa sinuman, maging Pilipino man o dayuhan. Binanggit din niya na ang isang opisyal ng gobyerno ay maaaring maharap pa rin sa mga kriminal na kaso kahit tapos na itong mahalal.
Nauna nang isinumite ng Comelec sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang COC at Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Guo.
Base sa kanyang COC, idineklara ng 37-anyos na si Guo na Tarlac, ang kanyang lugar ng kapanganakan.
Sinabi rin ni Guo sa kanyang COC na noong bago ang May 9 elections, siya ay naninirahan sa Pilipinas sa loob ng 35 taon at dalawang buwan at naninirahan sa munisipalidad ng Bamban, Tarlac ng 18 taon at dalawang buwan.