Nag-alok umano si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ng P1 bilyong suhol para mawala ang lahat ng kaniyang kinakaharap na legal issues.
Ito ang isiniwalat ni dating Senator Panfilo Lacson base sa impormasyon mula sa kaniyang kaibigang negosyanteng Filipino-Chinese na inalok umano ng pera ng sinibak na alkalde bago pa man tumakas ng Pilipinas noong Hulyo.
Ayon pa sa dating Senador, noong medyo ipit na ipit na ang ex-mayor at medyo nagtatago na, komontak ito sa naturang negosyante sa pamamagitan ng kanilang common friend at inalok kung maaari niyang mailapit si Alice sa kaniyang contact na nasa inner circle ng First Family.
Inilarawan din ng dating Senador ang kaniyang Tsinoy na kaibigan bilang isang bigating negosyante na may mga dealings sa China at mayroon umanong mga koneksiyon sa ilang personalidad na malapit sa pamilya Marcos.
Nilinaw naman ni Lacson na ang alok na pera ay para matulungan siya sa kaniyang legal problems na inihain ng PAOCC at hindi bilang kapalit ng pagpuslit ni Guo palabas ng bansa.
Hindi din umano kinagat ng kaniyang kaibigan ang alok at hindi ipinarating ang mensahe sa kaniyang kontak.
Bilang patunay sa rebelasyon ng dating Senador, ipinakita umano ng kaniyang kaibigan ang mga larawan ng magkita ang naturang negosyante at si Guo na nangyari bago nagtago ang dating alkalde.
Sinabi din ni Lacson na walang business transactions ang kaniyang kaibigan kay Guo at nakakasiguro siyang walang direktang kaugnayan ito sa POGOs.
Kaugnay nito, hinimok ng dating mambabatas ang intelligence community na masusing imbestigahan ang background ni Guo kabilang ang mga taong may kaugnayan sa kaniya dahil maaaring maging serious national security threat ang mga ito.
Matatandaan, nauna na ring sinabi ni Senator Risa Hontiveros na nakatanggap ng impormasyon ang kaniyang opisina na nagbayad si Guo ng P200 million na suhol sa mga opisyal kapalit ng kaniyang pagtakas sa bansa.