Nagsumite na ngayong Huwebes si dismissed Bamban Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping ng kaniyang counter-affidavit para sa material misrepresentation case na inihain laban sa kaniya.
Kinumpirma ito ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia.
Ngayong araw nga Setyembre 12 ang itinakdang deadline ng pagsusumite ng dating alkalde ng kaniyang counter-affidavit na pinalawig ng dalawang beses.
Maaalala na nauna ng inisyuhan ng poll body si Guo ng subpoena noong Agosto 13 para ipaliwanag ang umano’y material misrepresentation sa kaniyang certificate of candidacy noong 2022 elections.
Samantala, nakatakda namang isumite ng Comelec law department ang mga rekomendasyon nito sa kaso ni Guo sa Comelec en banc sa susunod na linggo.
Nauna ng sinabi ni Comelec chairman Garcia na napakahalaga na maresolba ang misrepresentation case ng dating alkalde bilang paghahanda sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre 1-8 ng mga tatakbo sa 2025 midterm elections. Ito ay para mapag-isipang mabuti ng mga tatakbong kandidato ang kanilang ilalagay sa kanilang COC.