Nagulat umano si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo nang una niyang masaksihan ang sitwasyon sa seldang paglalagyan sa kaniya sa Pasig City Jail Female Dormitory, ayon yan sa Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP).
Sinabi ni Jsupt. Jayrex Bustinera, spokesperson ng BJMP, maliban rito ay wala na silang natanggap na negative report hinggil sa unang gabi ni Guo.
Pagsasalaysay ni Bustinera, ang selda ay may sukat na 45 square meters at ang dingding ay puro rehas at may 10 triple deck sa loob kung saan ang pwesto ni Guo ay nasa 2nd level at may katabing nasa lima o anim na preso. Nakabalagbag umano sina Guo matulog para magkasya ayon kay Bustinera.
Ang higaan ay simpleng plywood lang din na binalot sa linoleum para hindi tumagos ang surot.
Malayo ito sa detention room niya sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) kung saan sarili niya lang ang kwarto at banyo at nakahiga sa single bed na may foam.
Ayon pa kay Bustinera, mananatili si Guo sa Pasig city jail female dormitory hanggat walang court order na ibalik ito sa kustodiya ng PNP.
Samantala, matatandaan na sa unang araw ni Guo kahapon sa BJMP, kumpiskado ang ilan niyang kagamitan.
Ito ay dahil pinayagan lang umano sa naturang kulongan ang dilaw na damit, hygiene kits at jogging pants ng dating alkalde.
Ani Bustinera, ang mga nakumpiskang gamit ay ipapauwi sa kaniyang abogado at ang iba ay iuuwi kung may dadalaw sa kaniya.