-- Advertisements --

Tatlong bagong reklamo ng falsification ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa pinatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac, na si Alice Guo, sa Department of Justice nitong Martes.

Ayon kay NBI spokesperson Ferdinand Lavin, ang mga reklamo ay may kaugnayan sa pagbili ni Guo ng tatlong lupain sa Sual, Pangasinan gamit umano ang pekeng pagkakakilanlan.

Ayon sa mga awtoridad, si Guo ay si Guo Hua Ping, isang Chinese national na lumipat sa Pilipinas noong bata pa siya. Gayunman, iginiit ng kanyang abogado na dapat isang korte ang magdesisyon ukol sa kanyang tunay na pagkatao.

Bukod kay Guo, kinasuhan din ng human trafficking ang 11 opisyal at empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR), kabilang si Atty. Jayson Masuerte.

Ayon sa NBI, dapat ay mino-monitor ng mga opisyal ng PAGCOR ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub na Zun Yuan Technology sa Bamban, ngunit pinayagan umano nila ang mga iligal na aktibidad sa loob nito.

Nagkoordina na ang NBI sa Civil Service Commission para sa pagsasampa ng mga kasong administratibo laban sa mga sangkot na empleyado ng PAGCOR, kabilang ang gross misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to public service.