-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ni Sen. Risa Hontiveros na nakakuha sila ng impormasyon na nakalabas na ng ating bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.

Ito ang inanunsyo mismo ni Hontiveros matapos ma-validate ang pangyayari.
 
“BREAKING NEWS! Si Alice Guo o Guo Hua Ping ay nakaalis na ng Pilipinas!” wika ng senadora sa kaniyang post.

Dagdag pa niya, “kung hindi po natin ito gawan ng paraan, as an institution, as a country, parang nagpasampal tayo sa dayuhang ito na paulit ulit na sinasaula ang ating mga batas, patakaran at proseso.”

Una rito, sinabi na rin ni Sen. Sherwin Gatchalian, na naniniwala siya na maliban sa regular na daanan ay mayroon pang ibang paraan para makaalis ang dating alkalde.

Matatandaan na kinumpirma ng National Bureau of Investigation na iisang tao ang Guo at Chinese passpeort holder na si Guo Huang Ping.

Sinabi ni Gatchalian nitong nakalipas na buwan na ginagamit ni Guo ang kanyang Chinese at Philippine passports mula 2008 hanggang 2011.