Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na nakaposas at magsusuot ng bulletproof vest bukas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagpunta nito sa Senado para dumalo sa legislative investigation kaugnay sa ilegal na Philipine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang PNP coaster na sakay si Guo ay aalis sa kampo Crame sa Quezon city bandang alas otso ng umaga bukas habang ang senate hearing ay magsisimula naman ng alas-10:00 ng umaga.
Una nang inaprubahan ng Tarlac court ang hiling ng Senado na padaluhin si Guo sa pagdinig.
Ang Capas, Tarlac Region Trial Court ay ang nag isyu ng warrant of arrest kay Guo matapos itong sampahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaya ito naka-detain ngayon sa custodial facility ng PNP.
Nananatili pa rin ngayon si Guo sa dating detention room ni former senator Leila de Lima, matapos itong hindi magpyansa sa isinampang kaso sa kanya.