-- Advertisements --

Nakatakdang maghain ng kandidatura si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa susunod na linggo sa pamamagitan ng isang representative sa kabila ng patung-patong na kasong kinakaharap ng sinibak na alkalde.

Ito ang kinumpirma ng abogado ni Guo na si Atty. Stephen David ngayong Biyernes sa isang panayam sa kaniya sa Department of Justice na kumatawan kay Guo para sa preliminary hearing sa money laundering complaint laban sa kaniyang kliyente at 35 iba pang indibidwal.

Hindi naman tinukoy ni Atty. David kung muling tatakbo sa pagka-Alkalde si Guo sa Bamban, Tarlac.

Sinabi naman ni Atty. David na kung mahal siya ng mamamayan ng Bamban, mananalo si Guo at kung ayaw na umano nila sa kaniya, hindi siya mananalo kayat dapat aniyang makita ng bayan kung mahal talaga siya ng Bamban.

Matatandaan na tinanggal ng Ombudsman si Guo mula sa serbisyo noong Agosto 12 dahil sa grave misconduct at iniutos na i-forfeit ang lahat ng kaniyang benepisyo sa pagreretiro at hindi na rin makakatakbo sa posisyon sa gobyerno kahit kalian.