Tiniyak ng kampo ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na nasa Pilipinas pa rin ito.
Ayon sa abogado ni Guo na si Atty. Stephen David, nagkausap sila ng suspendidong alkalde kahapon bagamat hindi nito alam ang lokasyon ni Guo, 100 porsyento siyang sigurado na nasa bansa pa ito.
Aniya, sinabi sa kaniya na mayroon siyan lookout order at mahigpit ang protocols sa mga paliparan kaya’t paano aniya ito makakalabas ng Pilipinas.
Matagal na rin umano niyang pinayuhan si Guo na dumalo sa Senate inquiry subalit tumanggi ang suspendidong alkalde dahil sa kaniyang physical at emotional condition matapos na ma-trauma mula sa pagdinig.
Subalit sinabi ni Atty. David na hindi na magiging epektibo na maging resource person si Guo dahil anumang katanungan kaugnay sa kaniyang nalalaman at makakaapekto sa kaniyang karapatan para sa self-incimination dahil sa kaniyang mga kasong kriminal sa Office of the Ombudsman at Department of Justice.
Ibig-sabihin, anuman ang mga sasabihin ni Guo ay maaaring gamitin laban sa kaniya sa korte.
Ang pahayag na ito ng kampo ni Guo ay matapos na hindi matunton at maaresto ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado si Guo nang isilbi ang arrest order sa kaniya at sa 7 iba oang mga indibidwal noong araw ng Sabado dahil sa makailang beses na hindi pagdalo sa imbestigasyon kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa bayan ng Bamban.