Nanindigan di dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hindi niya pinag-isipang pumunta sa China matapos siyang tumakas sa Pilipinas.
Ginawa ng dating alkalde ang pahayag matapos tanungin si Guo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa pagdinig ng Senado nitong Martes ng kanyang susunod na plano sana kung hindi siya naaresto ng mga awtoridad sa Indonesia noong Setyembre 4.
Subalit sagot ni Guo na talagang pinag-iisipan na umano niyang bumalik sa Pilipinas para magpaliwanag sa mga paratang laban sa kanya.
Sinabi ni Sen. Dela Rosa na ang dahilan kung bakit niya ito tinanong ay dahil sa mga teorya na si Guo ay maaaring isang espiya mula sa China.
Ngunit sa naging sagot ni Guo, hinala ni Dela Rosa na hindi naisipan ng dating alkalde ang pagpunta sa China dahil sa pagkakasangkot nito sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Muling iginiit ni Guo na hindi siya sangkot sa mga operasyon ng POGO.
Nauna nang kinumpirma ng National Bureau of Investigation na si Guo ay may kaparehong fingerprints sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping. Gayunpaman, tumanggi si Guo na aminin na siya ang nasabing tao.
Sa naturang pagdinig din, inamin ni Guo na umalis siya sa Pilipinas noong unang linggo ng Hulyo.