Bantay sarado ng pulisya si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang dumating ito sa Senado, pasado alas-8:00 ng umaga nitong Lunes.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) nakaposas at nakasuot ng bulletproof vest si Guo bilang pag-iingat sa kaligtasan nito.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, PNP coaster ang sinakyan nito at sinundan ng iba pang sasakyan.
Una nang inaprubahan ng Tarlac Court ang hiling ng Senado na padaluhin si Guo sa pagdinig.
Ang Capas, Tarlac Regional Trial Court ay una na kasing nag-isyu ng warrant of arrest matapos itong sampahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng kasong graft, bagay na inaksyunan naman ng Office of the Ombudsman.
Matapos maibigay sa kostudiya ng PNP, nanatili ang dating alkalde sa dating piitan ni former senator Leila de Lima.